kathang isip (mga gawa-gawa ni cofiboi)

“BITIN”

Alas 9:00. Maaga pa.

Siguro mga dalawa o tatlong hithit pa ‘to.

“Uy beks, pumasok na tayo, nang makarami” Aya ni Ardee. Ang kaibigan kong haligi na ng Malate. Tingin ko nga isa siya sa mga taong pasimuno ng mga tambayan dito. Institusyon kung baga.

“Wow, parang may quota ka ah. Nagmamadali ka ba?” Sagot ko sa kanyang nagmamadaling imbitasyon.

“Hay, alam mo naman ang kalakaran dito. Baka kasi maunahan tayo. Wala nang mabentang lalake pag pumatak na ang hatinggabi”

Hindi na ako sumagot. Hindi rin naman kasi ako mahilig sa ganitong lugar. Gastos lang. May entrance fee na, bitin pa sa beer. Pero ayos na rin, masaya naman kasama si Ardee, pati yung barkada niyang tambay din ng Malate. Maiingay. Laging masaya, parang gumising lang sila para pumunta dito.

“At andun na raw sina Robert, may papakilala daw sa ‘yo” nakangiti siya.

Parang isa sa mga misyon niya sa buhay ay hanapan ako ng lalake. Sa lugar na to.

May mahahanap ka nga bang relasyon dito? Sing bilis ng pagpalit ng kanta ang palitan ng lalaki. Parang damit lang. Parang isang round ng beer.

“Oo na, ayan na nga eh…” sabay patay sa sigarilyo kong nagbabaga.

Mga tatlong buwan na rin kaming ganito ni Ardee. Tuwing Huwebes at Sabado, laman kami ng mga bar sa Malate. Minsan kaming dalawa lang, pero madalas may mga kasama ring sa Malate lang din namin nakikita.

Minsan nga natatanong ko sa aking sarili kung bakit ako napunta sa lugar na to. Hindi naman ako mahilig gumimik. Hindi talaga ako gumigimik. Naiingayan kasi ako. At pare-pareho lang din naman ang makikita mo. O di kaya, sa sobrang dilim ng lugar, wala ka talagang makikita. Bukod na lang sa mga anino ng mga katawang naghahanap ng panandaliang saya. Pagsapit ng umaga, babalik sa kani-kanilang lungga at maghihintay ulit ng kagat ng dilim.

Mula nang malaman ni Ardee na bakla ako, naging bokasyon na niyang i-introduce ako sa buhay bakla. Sa kanyang mga salita: “I’m going to lift the rainbow curtain for you. I promise you, you’re going to have fun!”

May diin sa salitang FUN.

Ako naman, dahil bored at naghahanap ng magagawa, sumama. Aaminin ko, may mga gabi rin namang  naging masaya ako. May inuwi at naiuwi. Ganyan ang sistema dito. Isasayaw ka, pag natipuhan ka; siguro dahil sa pabango mo, o di kaya sa iyong pag-indayog o di kaya’y dala lang ng kalasingan, alam mo na ang kasunod. Ang mga tao dito, mas nauunang makikipaglaplapan bago makipagkilala. Kung sabagay, ganito rin naman siguro sa kahit saang bar.

Nakaka-excite rin kung minsan. Dito mo kasi nalalaman kung ikaw nga ay bebenta pa sa mga mapanuring mata ng mga maarteng bakla. Hindi pa naman ako umuuwing mag-isa mula nang mapadpad ako dito. Mabenta pa nga siguro ako.

Pumasok na kami sa bar. Maaga pa, pero napupuno na ng mga tao ang first floor. Puro lalaki. Kung may babae man, hindi mo na mapapansin, mga dayo sila. Turista sa mundong nabubuhay sa gabi.

Tumuloy kami sa isang sulok. Naghinintay dun ang mga kaibgan ni Ardee. Kaibigan niya kasi hindi ko naman talaga sila ganun kakilala. Tamang ngiti lang at konting tango ng ulo. At may kasamang beso.

Gaya ng nakagawian, bebeso kami sa kanila. Magbibigay pugay sa mga reyna/hari. Maingay na ang lugar. Nagsisimula nang mapuno ang dance floor. Kanya-kanyang sayaw habang hawak ang bote ng beer. Siguro mas astig pag may hawak kang beer. Habang sumasayaw ka ay panay lagok mo naman sa inumin mo. Magaling pala mag-multi task kaming mga bading: sasayaw, lalagok, lalandi at sasabayan ng konting kwento sa katabi. Pero, hindi rin naman namin naiintindihan ang isa’t isa. Wala kasing marinig dahil sa ugong ng musikang tekno at house. Nakakahilo ang bawat patay sindi ng black lights at strobe lights. Unti-unting nababalot ng usok ang paligid. At ako naman, tahimik na nagmamasid. Tinitimpla pa ang mood. Isang alak pa, sasayaw na rin ako.

“Jed, right?” sigaw/bulong sa akin ng taong nagngangalang Robert.

Pansamantalang natigil ang aking pagmamasid at lumingon sa kanya. “Yeah” sagot ko.

“Hey, this is my friend, TJ” sabay pakilala sa akin sa isang taong hindi ko maaninag. Nang sandaling lumapat ang ilaw sa mukha ni TJ, nakita ko rin ang kanyang histura. Mukhang mestiso. Maganda ang ngiti. Sinuklian ko rin ng ngiti.

“What’s up, dude? TJ, pare” Sigaw/bulong ni TJ. Na-turn off ako.

Dude? Sa lahat ng pwedeng pagpapakilala, sinimulan niya ako ng ‘dude’. Gusto ko sanang sabihing “How’s it going, dudette?” Pero ngumiti lang ako. Kunyari hindi ko siya narinig.

“O ayan, play nice. Sasayaw lang kami ni Ardee, para makaswerte din” sabay tayo at alis ni Robert.

Naiwan kami sa sulok. Ang dude at ako.

Siguro sa ibang gabi, nakisayaw na rin ako at nakipaglandian sa kanya. Pero ngayon, pagod ako. At dahil hindi mga masyadong maganda ang simula, nanatili akong tahimik, best friend ko si San Miguel.

Sumayaw si TJ sa harap ko at sabay sigaw ng: “Man, I love this song!”

Hindi ko alam na mahilig pala ‘tong ‘dude’ na to kay Madonna. Ngumiti lang ako at pilit sinasabayan ang kanyang mga galaw. Kahit siguro mag-funky chicken ako dito walang papansin. Pero di ko gagawin yun.

Hindi na siya nakuntento sa pagsasayaw, bigla niya akong nilapit sa kanya at bumulong sa tenga ko: “Pare, you’re so hot, wanna bounce and have some fun at my place?”

Fun? Bakit, maglalaro ba tayo ng twister?

Hindi ko namang sinasabing ayaw ko sa kanya. Ayaw ko lang siguro ng ‘fun’ ng mga panahong iyon. Wala ako sa mood.

“Let’s just dance and see what happens, ‘kay?” pagtatanggi ko sabay order ng isa pang beer.

Marahil  matatapos ang gabing to gaya ng ibang gabing napapadpad ako dito: uuwi kami sa apartment niya, magkakaroon ng ‘fun,’ at pagdating ng umaga uuwi ako sa amin na may hangover.

Pag-abot sa aking ng pangalawa kong bote, bago ko pa man mailapat ang bibig ko sa labi ni San Miguel, ang labi ni TJ ang nauna. Nagulat ako. Madiin siyang humalik. May konting lasa ng sigarilyo. Pero mukha namang nag-toothbrush bago mag-yosi.

‘Minty’ isip ko.

“You’re such a cute couple!”

Biglang epal ng isang lalaking kamukha ni Sonny Parsons. Yung palaging kontrabida sa mga pelikula dati. May hawak siyang kamera. Nagulat ako, pero mukhang sanay na si TJ sa mga ganitong tagpo.

Nalaman kong isa pla sa mga may-ari ng bar si Sonny Parsons. Siguro hindi ganun kaganda ang ngiti ko sa picture kaya hindi ito na-post sa website. Si TJ lang, kasama ang iba’t ibang lalaki. Ang ‘dude’.

Buti naman at hindi na kami ininterview ni Sonny Parsons. Hindi ko kasi alam ang mga isasagot ko kung nagkaganon. Pag-alis niya, binalikan namin ni TJ ang aming naudlot na pinagkakaabalahan.

Mas marahan na siya ngayon. May konting lambing ang bawat higop. At hindi kalaunan, nakipaglaro na rin ang aking dila. FUN.

Konting lambing pa, isip ko, at papatulan ko na yang offer mo. Kinilig ako. May tama na nga siguro ako. Isa pa.

“Wait” sabi ko, sabay layo ng kaunti “I need to pee.”

“Oh okay… “ hindi agad siya bumitaw. Pero naiihi na talaga ako. Ayoko namang magkasakit sa bato dahil lang sa isang halik.

“Promise, babalik ako” hindi ko alam kung bakit ko kelangang sabihin yun. Alam ko namang babalik ako sa kanya pagkatapos kong maihi. Sure ball na ‘to eh.

“Alright, but I’m gonna come with” tingin niya siguro hindi na ako babalik.

“Okay, let’s better go up, puputok na pantog ko” minsan talaga panira ng moment ang beer. Nag-e-enjoy na rin naman ako, bigla pa akong maiihi.

Umakyat kami sa second floor. Doon kasi ang CR. Walang pinto, at walang karatula na ‘male.’ May aquarium sa gitna na nagsisilbing divider ng urinal. Ayos din. Bakit ka nga naman mahihiyang itago yan, eh malamang yan din naman ang makikita mo bago matapos ang gabi.

Naghintay siya sa labas. At doon sa loob, habang nagtataas ako ng zipper, nakita kong pumasok ka. Ewan ko ba kung bakit kita napansin, ang dami rin namang lalaki dun. At nasa labas lang si TJ. Pero siguro nga dahil ikaw lang ang nakita kong nakasuot ng sombrero kaya kita napansin. At ang white mong t-shirt na hapit. Nagsusumigaw na: “OO NAGWO-WORKOUT AKO!”

“You done?” Tanong ni TJ. Tumango ako at lumabas ang banyo. Kasunod lang pala kita. Ang bilis mo naman umihi. O baka naman pumasok ka lang dun para manilip? Ewan.

Hindi ko rin alam kung anung pumasok sa isip ko nang sabihin ko kay TJ na bigla akong nahilo at gusto kong magpaiwan dito sa taas. Pero mukhang ayaw niya akong pakawalan. Sasamahan daw niya ako dito. Unti-unting humahaba ang aking buhok.

Sinulyapan kita at nakita sa may bar. Mag-isa. Walang kasayaw o kausap. Paano ko ba madidispatsya si TJ? At bakit ko ba kelangang lumapit sa yo?

Andito lang si TJ. Mukhang matino naman. At siya ang naunang nag-offer ng FUN.

Siguro nga ayaw ko ng hindi nahihirapan. Kelangan may ‘challenge.’ Hindi naman kasi ako nakasisiguro na pagtapos ng gabing to, pag naiwan ko na ang kasama ko, ay ikaw ang kausap ko. Bahala na.

Naisip ko bigla na sana may hawak akong beer ngayon. O kahit anong alcohol, para maisakatuparan ang mga plano ko. Isang gabi lang.

Minsan lang akong maging kupal. At sa tingin ko, hindi ko naman siguro kailangang magpaliwanag sa kahit kanino. Makakahanap din si TJ ng kapareha, maaga pa naman.

ITUTULOY… 🙂

IKALAWANG BAHAGI: ANG KWENTO NI CHARLES

Sabi mo “people go to places with a lot of noise to drown out the sound a broken heart makes”

Totoo pala yun. Kaya ako nandito.

Last month lang tayo naghiwalay. Mali, isang buwan pa lang ang nakakalipas nung pagpasiyahan mong iwanan ako. Mula nun, hindi na kita nakita. Kahit text, wala. Minsan, dala ng pangungulila at ng red horse, tinawagan kita.

“The subscriber cannot be reached”

Nag-iba ka na pala ng number. Hindi ko tinigilan ang pag-inom nun hanggang dalhin nila ako sa ospital. Sana dun pa lang natuluyan na ako. Hindi ka naman kasi dumalaw. Ang drama ko no?

Pitong taon. Pitong taon tayo nagsama, Eric. Ikaw na ang naging mundo ko. Umikot ang buhay ko sa buhay mo. Ang dami nang nangyari. Sa loob ng pitong taon, nasanay na akong ikaw ang kasama. Ikaw ang bukambibig. Ikaw ang iniisip.

Biro nga ng iba: “mas matagal pa kayo kesa sa ibang mag-asawang straight na kilala namin”

Akala ko rin pang habang-buhay na to. Nagkamali ako.

Sabi mo: “I grew up Charles, and i outgrew you.”

Parang ni-rape ako ni Jollibee nung marinig kong sinabi mo yun. Nawakwak ang buo kong pagkatao. Hindi ko alam kung magmamakaawa ba ako gaya ng mga desperadong babae na napapanood ko o magiging parang bato. Isang rebultong nasa pedestal at hindi nakakaramdam ng sakit, parang walang nangyari.

Pero wala akong nagawa kundi tanggapin ang katotohanang hindi na ako kasama sa ‘future’ mo. Kaya mula nun, dito na ako. Para lunurin sa ingay ang luhang ayaw tumigil sa pagtagas.

Hindi ko naman balak mamik-up ng lalaki dito. Hindi pa ako ‘over’ sa yo, Eric. At hindi ko rin alam kung kelan ako magiging ‘okay.’

Nagbabakasakali lang ako na baka andito ka. Baka andito ka at nagpapakasaya. Baka andito ka at ako rin ang laman ng isip mo at nagbabakasakaling andito rin ako.

Pero wala ka dito.

Ang mga andito, mga lalaking kanya-kanya ng hanap ng mapapaglipasan ng gabi. Maga lalaking naghahanap ng panandaliang kaligayan na hindi nila mahahanap sa ibang lugar.

Kung may lalapit, hindi ko papansinin. Dahil hindi sila ikaw, Eric.

Dito na lang ako sa sulok. Maghihintay sa wala. Pero malay mo, isa sa mga araw na to, bigla mong maisip na pumunta dito. Wow, parang kanta lang. Ang drama ko talaga.

“Isa pa ngang red horse” sabi ko sa sa bartender. Wala ka naman dito eh, kaya walang pipigil sa akin sa pag-inom. At wala na tayo di ba? Ano bang pakialam mo kung naglalasing ako? Hindi na tayo mag-boyfriend di ba?

“Um, excuse me…” Isang boses ang bumasag sa tama ko. Napatingin ako, madilim pero alam kong ako yung kausap niya. “Okay ka lang ba?”

Okay lang ba ako? Hindi! Hindi ako okay. Isang buwan na mula nung makipaghiwalay sa akin yung putang inang boyfriend ko at ni ‘ha’ ni ‘ho’ wala! Hindi ako okay!

Pero ang nasagot ko lang ay: “Uhm?”

“Ako nga pala si Jed…” Sabay ngiti at abot ng iyong kamay.

ITUTULOY…

ANG RED HORSE, BOW

Ang ayaw ko sa ka-date, yung bigla na lang mawawala. Okay lang na sabihin mo sa akin na ayaw mo sa akin, matatanggap ko naman. Kanya-kanya tayo ng trip. Pero dude, konting respeto naman. Nauna ako.

May nakita ka lang na iba, bigla mo akong iniwan sa ere. Bad trip. Ang malas ko lang at ikaw ang pinakilala sa akin ni Robert. Di bale, maaga pa naman, makakahanap pa rin ako ng iba sa baba. Hindi lang ikaw ang uuwing masaya ngayong gabi.

Okay na sana, handa na akong makipagsayaw sa iba, bakit bang kelangan pa kitang makitang may kausap na iba? At bakit ba ako nagseselos? Hindi ako ang lugi dito. Pero bakit nga ba ako nagseselos? I mean, ngayon lang tayo nagkakilala, di ba?

Dapat, dun pa lang, umiwas na ako. Bumaba ng hagdanan at naghanap ng iba. Simple. Madaling gawin. Pero dahil tanga ako, nilapitan ko pa kayo. Sorry, tao lang, pakiramdam ko kasi nalugi ako. Sino bang gusto maging talunan? Not me.

Pero ayoko ng away. Ayokong ma-bad trip ngayong gabi. Gusto ko lang maintindihan kung bakit mo ako pinagpalit sa kanya. Kung sino man yang gagong yan.

Kelangan ko ng pampakalma. Beer. Yan ang sagot. Umorder ako ng isang bote. Tamang inom lang. Pampalakas ng loob. Pagkaubos nito, saka ako lalapit. Sino nga ba yang kausap mo? Is he hotter than me? (Dapat daw : ‘Is he hotter than I am?’ Grammar nazis die!) Nakainom na ako, okay? Hindi ako sanay uminom ng beer, at mas lalo akong hindi sanay iwanan ng ka-date. Bullshit.

At bullshit nga, dahil si Charles ang kausap mo, ang gagong ex ni Eric. Shit talaga. Kung hindi ito ang tinatawag na ‘awkward moment’ I don’t know what is.

 

 

Advertisements

11 thoughts on “kathang isip (mga gawa-gawa ni cofiboi)

  1. aaaaaw! ang galing ng pagkakonek! galing, galing! lalo ako naexcite sa next kabanata! post na agad bilis!!

    ps: parang may pinaghuhugutan itech. 😛

    1. hahaha! true to life ba? hindi naman. hahaha! 🙂
      at dahil alam kong may nagbabasa nga ng kwentong to, magpo-post na ako ng madalas. hahaha! 🙂

      baka over the weekend magdagdag ako. 😉

  2. wow, the “sigaw/bulong” factor is cute, very apt and stylish. i didn’t know that you write very well in the vernacular. kakaiba, halimaw. why don’t you write for ladlad 4, o kaya join palanca?

    1. hay naku, palanca ka dyan. i still have to find the right style for me, i guess. no formal training here.

      but thanks for reading. 🙂
      reading these comments from you means a lot. 🙂

  3. It’s a good thing that you have updated this page. (But how long would the page be if the story turned out to be so long?)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s